1. Home
  2. Stories
  3. Larawan... ( Pt. 01 )
Lagablab

Larawan... ( Pt. 01 )

9 minutes
" Larawan... " ( Pt. 01 ) Alessandro Bottecelli... "The Birth of Venus". Ito ang larawang pinagma masdan ng naka talikod na babae sa gitna ng malawak at maliwanag na silid sa ibabaw ng mataas na gusali. Mula sa labas ng silid kung saan isang madilim at mahabang pasilyo ang matatagpuan, ay nagmu mula ang tunog ng balat na sapatos sa ibabaw ng puting marmol na sahig. Ang matipunong lalake ay lumapit mula sa entrada ng malawak na silid, at nanibago ang mga mata nito sa liwanag ng espasyo, na malayo sa naka sanayang dilim na kanyang pinangalingan. Patuloy itong humakbang, hanggang maabot ang kinalalagyan ng babaeng naka titig sa naipintang larawan, sa gitna ng silid na kanyang kinatatayuan. "Naging matagumpay ang lakad ng aking mga inutusan. Nakuha na natin ang mga cargamiento, at naitago na ito ng aking mga kasamahan. Muli, kami ay nagpa pasalamat sa iyong naitulong sa aming mithiin." Halos bulong ng malalim na boses sa batok ng dalagang walang kurap na naka titig sa larawan. Nakabi bingi ang katahimikan, at nang tumagal ito nang higit pa sa inaasahan ng bagong dating na binata, ay humawak ito ng banayad sa kaliwang balikat ng babae, upang siguraduhing naintindihan nito ang kanyang sinabi. "Mabuti kung ganun. Ngayong alam na natin kung sino ang mga pasimuno nito ay madali na nating masusubaybayan ang kanilang bawat kilos. Mag talaga ka ng mga tauhan mo na susunod sa bawat kilos ng anak na panganay ng konsehala. Alamin mo ang bawat patagong lakad, at kuneksyon ng kanilang angkan. Kakailanganin ko ang mga impormasyong iyan, upang masiguro na hindi nila tayo malulusutan." Mahinang sabi ng babae na hindi inaalis ang titig sa larawan. "Masusunod." At nag umpisa nang humakbang palayo ang lalake, nang maramdaman niya ang malambot na kaliwang kamay ng dalaga sa kanyang kanang braso. "Mag-iingat ka." Bulong ng dalaga, at ito'y humalik sa labi ng binata, bago nila niyakap ang isa't isa, sa sentro ng maliwanag na espasyo. * Ilang lilim ng Pine Trees ang aking dinaanan habang nagbi bisikleta ako sa aspaltadong kalsada ng Burham Park. Dama ko ang malamig na hangin sa aking pisngi, at sa 'di kalayuan ay tanaw ko ang mga namamangka sa Burham Lake, habang sa kabilang gilid naman ay kita ko ang mga batang nagla laro sa mga slides at swing. Tanaw ko rin ang ilang pamilya na nagpi picnic sa makakapal at malambot na damuhan ng parke... payapa ang paligid at tila walang panganib. Masaya ang kapaligiran, at puno ng mga matitining na hiyawan ng mga bata, at tawanan ng mga taong aliw sa kanilang mga gawain. Isang bisikleta ang mabilis na tumabi sa akin, at narinig ko ang boses na malalim ng sakay nito. "Lalo kang gumaganda Ka Pulbura. Hindi kaya't dahil ito sa mga maraming nanliligaw sa iyo?" Ang nagbi birong sabi ni Ramil. "Wala akong nakikitang ganda sa aking sarili Ramil, marahil ay nalipasan ka lamang ng gutom. Halika't mag almusal tayo sa Ganza Restaurant, dyan sa may kanto. Alam kong marami kang gustong sabihin sa akin, at ako'y nasasabik ding marinig ang iyong mga kwento... rebeldeng kaibigan ko." At nag skid ang likurang gulong ng aking bisikleta sa mabilis kong pagkabig dito, upang unahan ang binatang maabot ang sinabi kong resto. * "Marion Molintas... 'yan ang paulit ulit na lumalabas na pangalan sa aking nakalap na impormasyon. Siya ang pinagdududahan ng aming grupo na tulay mula sa mayamang businessman na si Don Faustino del Fuego para maibigay ang mahigit kumulang sa tatlong daang baril, limang daan granada, at dalawang daang sari saring armas sa aming kalaban na grupo ng mga rebelde. Kilala mo ba siya?" Tanong sa akin ni Ramil na hinahati ang kanyang pancakes with fresh strawberries and whipped cream toppings. Kasalukuyan kong isinasawsaw ang aking Angel's Hair cookies sa mainit kong Cocoa with Cinnamon nang marinig ko ang pangalang kanyang binangit. Si Marion ay matagal ko nang kilala. Matangkad, maganda, hindi ganun ka talino... at ubod ng banidosa. Kinagatan ko ang cookie na naisawsaw ko sa mainit kong cocoa drink, at nag isip nang aking isasagot sa mas naging maskulado at lalong gumwapong rebelde sa harap ko. "Oo, kilala ko si Marion. Pero duda ako na kaya niyang lusutan ang mga kinauukulan tungkol sa mga nagaganap na pag angkat ng mga armas sa bahagi ng inyong bundok na kinalalagyan Ramil. Wala siyang ganung klaseng impluwensya, o katungkulan. Bagama't konsehala ang kanyang ina, limitado ang circulong ginagalawan ni Marion, at iilan lamang ang mga kaibigan nito." Sagot kong ngumunguya sa lalake sa aking harapan. Uminom si Ramil ng kanyang Benguet Brew coffee, at mukhang nag iisip bago ako sinagot. "Marahil ay wala ngang kilala si Marion... pero si Don Faustino ay isang maimpluwensyang nilalang. Maaaring ginagamit niya lamang si Marion bilang dummy, at dahil hindi nga ganun ka talino ang babaeng ito gaya ng sinabi mo, ay madali siyang napapaikot ng negosyanteng tuso." "May posibilidad na ganuon nga ang nangyayari Ramil. Ang tanong ko ngayon ay kung bakit mo ako biglang nilapitan tungkol sa napag alaman mong ito? Ano ang kinalaman ko dito?" Tanong ko sa rebelde bago ako uminom mula sa mainit na tasa. "Wala naman. Naisip ko lamang na isa itong magandang palusot upang masilayan ko ang iyong mukha muli, at makumusta ka ng personal." Kindat sa akin ng binata. "Salbahe ka. At sinungaling din... alam kong may mas malalim kang dahilan. Sa colehiyo pa lamang ay pinag aralan ko na ang iyong pagkatao, at alam kong hindi ka bababa mula sa bundok upang makipag kwentuhan lamang. Sabihin mo na ang tutoo, bago pa ako mainip at iwan kang nagiisa dito sa resto." Lumawak ang ngiti sa mukha ng lalakeng kausap ko, tila natuwa nang sabihin kong matagal ko nang kinabisado ang kanyang pagkatao. "Kung ganun Miss Tabanda, ay alam mo rin na hindi ako basta basta sumusuko, o tumatanggap ng pagkatalo. Nang huling sinabi mo sa akin na hindi mo kayang tanggapin ang pag-ibig na inalok ko sa iyo, ay nagintay lamang akong maghilom ang sakit na dinulot ng iyong pag tanggi, at ngayong okay na akong muli, ay nais kong suyuin ka nanaman para baguhin ang iyong isip." Naka ngiting sabi nito sa akin. "Ramil, alam mo namang halos apat na taon na akong palihim na girlfriend ni Marco Avila, hindi ba? Siya ang nasa puso ko sa ngayon. Malayo man siya, at nasa ibang bansa, hindi pa rin naman nagbabago ang aming relasyon... at nirirespeto ko ang kanyang damdamin. Ayokong gumawa ng kahit ano na maaaring makasakit o makagalit sa kanya. Sana ay maintindihan mo iyon." Seryoso kong sabi sa binata. "Madalas sabihin sa akin ng aking ama na ang boypren gelpren na iyan ay hindi pa sigurado, hangga't hindi pa ikinakasal, may pag-asa pa ako. Isa pa, dapat mong tandaan Patriccia na isa akong rebelde... sanay na kunin nang sapilitan anumang naisin ko. Magkikita pa tayong muli... sa ngayon, talasan mo lamang ang iyong mga mata sa iyong mundong ginagalawan at kinabibilangan. Hanggang sa muli Ka Pulbura." At tumayo agad ang binata, tinungo ang counter upang bayaran ang aming almusal, at nilisan ang restaurant nang hindi man lang ako nilingong muli. * Nagmamadali akong bumalik sa City Hall at tinungo ang tanggapan ng aking ina. Habang paakyat pa lamang sa marmol na hagdanan ng gusali, isang plano na ang na buo sa aking isipan. Kasalukuyang nagme meeting ang iba't ibang miyembro at matataas na opisyal ng gobyerno sa Lunsod ng Baguio, at kakailanganin kong magmadali kung gusto kong maisakatuparan ang unang hakbang ng aking plano. Sa loob ng opisina ng aking ina ay kinuha ko saglit ang aking USB, bago umakyat sa pangalawang palapag kung saan naroon ang opisina ng ina ni Marion. Inabutan kong abala ang nagiisang sekretarya ng konsehala, at halatang natataranta ito sa dami ng kanyang ginagawa. "Ma'am Trish! Goodmorning po. Kumusta?" Halos humihingal na sabi ng dalaga. "Hi Tess. Eto, daming ginagawa. Ikaw, musta?" Sagot ko naman dito habang pinaiikot sa buong silid ang aking paningin. "Naku ma'am, pareho lang po pala tayo. Kung si konsehala po ang hinahanap niyo nasa meeting pa po siya. Baka hanggang lunchtime po bago sila maka labas. May maitutulong ba ako?" Pag usisa nito sa aking pakay. "Ay meron Tess, 'yung minutes kasi ng last meeting nila ng ina ko kailangan ko. Pwede ba akong kumuha ng kopya mula sa iyo? Medyo legal matters kasi ito tungkol sa panukalang ipa renta ang Athletic Bowl sa mga dayuhan at kailangan kong pag-aralan ito." Sagot ko dito na seryoso. "Ay ma'am Trish, wala po sa akin kasi ang kopya, nasa legal department. Kung gusto niyo po kukunin ko, pero wala kasing maiiwan dito sa opisina habang wala ako?" Sabi nito na medyo napa isip. "Ganun ba? Well, importante kasing maumpisahan ko nang i-review ang options natin at mga balakin ng mga gustong umupa. Kung gusto mo, ako muna tatao dito habang kinukuha mo ang kopya. Sandali ka lang naman yata 'di ba?" "Opo ma'am, wala pang ten minutes andito na ako uli. Sige po, saglit lang at pupuntahan ko na po." Naka ngiting sabi ng sekretarya. "Naku salamat Tess, sige, intayin na lang kita dito kung ganun. Ako na muna ang tatao." At mabilis na lumabas ng opisina ang sekretarya na naka ngiti pa rin sa akin. Pagka alis na pagka alis ni Tess ay dali dali akong lumapit sa lamesa sa kanang dulo ng opisina. Dito naka upo si Marion, ang anak ng konsehala na nagsisilbing personal assistant din nito. Naka bukas na ang laptop, at bagama't nasa sleep mode ito ay wala namang password na naka lagay dito. Binuksan ko ang personal folders ni Marion, at hinanap ang kopya ng kanyang mga appointments. Isinaksak ko ang aking flashdrive, at mabilis na na-copy paste ang kanyang mga isinulat, bago ko ineject at hinayaang bumalik sa sleep mode ang laptop. Naka tayo ako malapit sa may pinto at nagbabasa kunyari ng dyaryo nang maka balik ang sekretarya sa opisina. "Pasensya na po ma'am Trish, natagalan yata ako?" Humahangos na sabi ng sekretarya. "Naku, okay lang Tess, hindi naman ako nainip at wala rin namang dumaan habang wala ka. Paano, mauuna na ako para mabasa ko na itong reports, balik ko na lang sa iyo bukas ha? Salamat uli." At iniwan ko nang nagli ligpit ng mga papeles ang dalaga, habang iniisip ang susunod na hakbang sa aking plano.
Posted in: Strangers