1. Home
  2. Stories
  3. Kabilang Mundo 17
Filipino Sex Stories

Kabilang Mundo 17

16 minutes
Please refer to the previous part.

(Kapitulo Kuarienta y sais)

Hinugot ni Jacob ang itak niya, kitang-kita sa mukha niya na handang-handa na siyang lumaban, lalo pang humihigpit ang pagkakahawak niya sa itak niya habang ang mga mata'y lalong nanlilisik sa kakatitig sa kalaban, sinusundan niya ng tingin ang bawat pag-galaw at pagkilos ng kalaban, parang nag-iisip siya ng paraan ng isang maganda at mainam na atake.

Si Tony naman ay abala pa rin sa pag-atake sa nakamaskarang nilalang at hirap na hirap sa pag-ilag sa bawat ganti ng espada nito, parang nagsasalitan lang sila ng tabak, ngunit sa nakikita ko ay tiyak na tatlong beses ang lamang ng kalaban sa kanya, buti na lang at maliksi siya at may karanasan sa pakikipaglaban, kahit papa'no'y nakakailag pa siya ng maayos.

Mabilis ang kilos nila, ngunit mas mabilis pa rin ang kalaban, nagtatatalon sila sa ibabaw ng mga puntod habang ang mga sandata nila'y walang tigil na nagsasalubungan ang talim. Isang malaking espada laban sa isang maliit na itak.

Heto na't magkalapit na sila, bigla silang napahinto sa lupa nang magkasalubong ang mga sandata nila, nakatayo silang pareho sa pagitan ng mga puntod at nanatiling naka-krus sa isa't-isa ang mga tabak nila, alam kong matinding pwersa ang kailangan ngayon ni Tony para mapigilan ang pagsulong ng espada ng kalaban sa kanya, halata sa pamimilipit ng mga kamay niya, kundi ay talagang didiretso ang talim ng espada sa mukha niya.

Kapit na kapit si Tony sa kanyang maliit na itak,ngunit unti-unti namang napapaluhod ang isang paa niya sa lupa, hirap na hirap na makaangat, nangingibabaw na sa kanya ang maskaradong halimaw, habang siya ay tuluyan nang napaluhod sa lupa, mukhang hindi na niya kayang dalhin ang espada ng kalaban. Unti-unting bumababa ang espada ng kalaban papunta sa kaliwang balikat niya, at malapit na itong dumampi, kundi lamang niya ito pinipigilan gamit ang itak niya ay siguradong didiretso na ito sa balikat niya.

Biglang dumulas ang itak ni Tony at nakalas sa pagkakaharang sa espada ng nilalang, dumiretso tuloy ang talim ng espada ng kalaban sa balikat ni Tony.
Dumaplis ang talim nito sa braso ni Tony.

"T-tonnyy!"
napasigaw ako nang makita kong madaplisan siya ng espada ng kalaban sa kanyang braso, mabuti na lang at nagawa pa niyang umiwas, kundi malamang nahiwa na ang balikat niya ng matalim na espada at baka naputulan pa siya ng kamay.

Napapaatras siya habang hawak ang kaliwang braso niya na nasugatan, parang siyang lasing na nanlalambot at nagkakanda-krus ang mga paa sa kanyang paghakbang paatras.

Hindi ko alam ang gagawin ko, hindi ko kayang makita ang dugo na sumambulat sa braso niya at dumadaloy sa kamay niya ngayon. Kung bakit pa kasi siya lumaban gayong alam na niyang wala siyang kapangyarihan at wala talagang panama sa lakas ng kalaban.

Lalapitan ko sana siya ngunit pinigilan ako ni Maya.

"Ate, 'wag, baka mapahamak ka lang!"
sambit niya habang yakap ako para harangan.

Nanatiling nakatayo ang maskaradong nilalang at ang espadang hawak niya ay nanatiling nakababa habang pinagmamasdan niya si Tony. Ang kawawang si Tony na ngayo'y napaupo at napasandal sa isang patay na puno.

Mukhang nanghihina na siya ng husto, mukhang hindi na niya magawang tumayo pa, at hindi niya malaman kung papaano tatakpan ang hiwa ng kanyang braso niya na labis-labis ng dumudugo.

"Tony! Tony!"
wala akong magawa kundi isigaw ang pangalan niya.

Alam kong hirap na hirap na siya at nanlalambot, at ngayo'y inaabangan ang paglapit ng kalaban.

Mabilis namang tumakbo si Jacob nang makita niya ang pangyayari, sayang lang at hindi niya kaagad nahabol ang sitwasyon para kung sakali sana'y napigilan pa niya na masugatan si Tony.

Papabilis ng papabilis ang pagtakbo niya para sugurin ang kalaban, para mabaling narin ang atensiyon nito sakanya, nang sa gayon, kahit papaano'y makaiwas at makaligtas pa rin si Tony sa kamay ng kalaban.

Mukhang naramdaman kaagad ng nilalang na ito ang paglapit sakanya ni Jacob, Iniwan niya si Tony at ngayo'y mabilis na sinalubong ang pag-atake ni Jacob.

Pagkalapit na pagkalapit ni Jacob ay bigla nalang siyang tumalon at umikot sa ere, ang galing! parang siyang nag-sirko. Napaka-pwersa ng pag-ikot niya kasama ng itak niya na umikot din kasabay niya, at ang dulo ng itak niya ay saktong-sakto sa maskara ng nilalang, sa ulo talaga nito ang puntirya, ngunit sa kasamaang palad, bago pa man ito dumampi sa kalaban ay nagawa na itong harangan ng kanyang malaking espada.

Napakalakas ng impact ng pagsasalubong ng kanilang mga sandata, espada laban sa itak, talim sa talim, may mumunting sparks pang kasama at dahil mas mapuwersa pa rin ang kalaban ay tumilapon lang pabalik si Jacob at nakahigang bumagsak sa ibabaw ng isang puntod.

"Aaahhhhhgggg"
mukhang napakasakit ng pagbagsak niya.

Nagulat nalang ako nang bigla kong makita ang nakamaskarang nilalang na umiikot din sa ere kasama ng malaki niyang espada at babagsak sa eksaktong-eksaktong kinaroroonan ni Jacob. Napakabilis at nakakapangilabot. Katulad na katulad ng ginawa ni Jacob na pag-atake kanina, ngunit ngayo'y napakalaking espada na ang mapuwersang umiikot sa ere papunta kay Jacob.

Mabuti nalang at mabilis na gumulong si Jacob sa ibabaw ng binagsakan niyang puntod at nagpatihulog siya mula sa ibabaw ng puntod pabagsak sa lupa para maiwasan ang talim ng espada sa peligrosong pag-atake nito.

Tumama sa puntod ang talim ng espada at kahit yari pa sa bato ang puntod ay nagawa parin itong wasakin ng espada ng kalaban, parang granada na sumabog ang puntod sa tindi ng pwersa ng kalaban, wasak na wasak na kung tinamaan si Jacob ay talagang ikakamatay niya ang pag-atakeng 'yon.

Mabilis na bumangon si Jacob at agad na umatake, humawi kaagad ang itak nito sa ere at pinuntirya niya ang leeg ng kalaban habang nakaluhod pa ito sa mga pira-pirasong bato ng nawasak na puntod, ngunit muli nanaman itong nakaiwas sa itak ni Jacob, ngunit sa pag-ilag ng nilalang ay mabilis na sinabayan ni Jacob ng kabilang kamay niya para magpakawala ng isang malakas na suntok sa mukha ng halimaw.

BLAG!

Sapul sa pisngi ang nilalang, pulidong-pulido, ngunit sa tigas ng metal na maskara nito na nakatakip sa mukha niya ay hindi man lang niya ininda ang mapwersang suntok ni Jacob. Mukhang kamay pa ni Jacob ang nasaktan na tumama nga sa pisngi, ngunit tumama rin sa maskara.

Mabilis namang gumanti ng suntok ang kalaban pagkatayong-pagkatayo nila, at hindi ito napaghandaan ni Jacob, tinamaan siya sa sikmura, sa tiyan niya at tumilapon siya sa kalsada, gano'n kalayo ang inabot ni Jacob sa lakas ng puwersa ng maskaradong nilalang, parang palaso na ipinana sa kalsada.

"J-jaaakkee!"
napasigaw pa si Maya na bakas sa mukha ang labis na pag-aalala.

Bumulagta sa daan si Jacob habang hawak-hawak ang tiyan niya.

"Aaaahhhhhgggg"

Halos mamilipit na si Jacob sa sakit, mukhang napuruhan siya ng kalaban.
Gano'npama'y ayaw niya paring sumuko, dinampo't niyang muli ang itak niya, itinukod niya ito sa lupa at buong pwersa siyang tumatayo, pilit na nilalabanan ang pananakit ng kanyang tiyan. Bakas na bakas sa mukha niya ang kasakitan.

Nilingon siya ng nakamaskarang nilalang na ito, tapos ay malamlam niyang nilapitan si Jacob. Mabagal ang paglakad niya, parang naninindak pa talaga, habang ang dulo ng espada niya ay pinapasayad pa niya sa lupa habang naglalakad.

"Jake, 'wag kang susuko."
narinig kong bumulong si Maya sa sarili niya. Parang kinakausap niya si Jacob ng puso sa puso.

Laganap ang kalungkutan at pag-aalala sa kanyang mukha, alam kong may pagtingin siya para kay Jacob, at alam kong sa mga oras na ito ay gusto niyang lapitan at tulungan si Jacob, pero tulad ko ay wala rin siyang magawa kundi ipagdasal na lamang ang kaligtasan ni Jacob sa kamay ng walang-awang nilalang na ito.

Sa bawat hakbang na ginagawa ng halimaw na 'to ay alam kong puso ni Maya ang inaapakan niya.
Takot na takot si Maya, natural na 'yon, dahil maging ako ay takot na takot rin para kay Jacob.
Natatakot sa mga susunod pang maaaring gawin ng di kilalang halimaw na ito.

Niyakap ko nalang si Maya, tulad ng pagyakap niya sa akin. Parehong nasa bingit ng kamatayan ang mga lalaking sa isang iglap lang ay minahal na namin.

Bigla nalang siyang umiyak, hindi ko rin tuloy mapigilang hindi maluha, lalo na't nakikita kong malapit na ang nakamaskarang kalaban sa kinaroroonan ni Jacob. Namimilipit pa rin siya sa sakit at pinipilit pa rin niyang makatayo, ngunit talagang nanghina na siya at laging nabibigo sa pagtayo.

Pero alam kong mas higit na naninibugho si Maya. Hindi ko alam kung paano ko palalakasin ang loob niya. Gusto kong sabihing, 'hindi pa ito ang katapusan ni Jacob' pero ayokong banggitin ang salitang 'katapusan', baka lalo lamang siyang matakot at mag-alala.

(Kapitulo Trienta y siete)

Bago pa man magawang tumayo ni Jacob ay nadatnan na siya ng mabangis at walang-awang nilalang na ito, tapos bigla niya nalang sinipa ang papatayo palang na si Jacob.

"Aaahhhhh!"

Muling bumagsak si Jacob sa lupa, at talagang hindi pa nakuntento ang maskaradong kalaban, kahit nakahandusay na si Jacob at walang kalaban-laban ay patuloy parin niya itong pinagtatakdyak.

Bawat sipa ng kalaban kay Jacob ay tumatatak sa damdamin ni Maya.
Kung titignan mo si Jacob ay talagang kahit sino maaawa, pero hindi ang halimaw na ito. Wala siyang pakialam kahit walang laban ang kaaway niya.
Maliwanag na isa lang siyang mamamatay tao at hindi isang tunay na mandirigma.

Napahigpit ang yakap sa akin ni Maya at napadukmo nalang siya sa balikat ko habang walang tigil na umiiyak.

"Hindi ko na kayang manood pa Ate"
pagtangis niya sa akin.

"Ako man Maya, pero alam kong makakayanan ni Jacob ang hirap at pasakit na 'to, alam kong malalampasan din natin 'to."
pilit kong pinapalakas ang loob niya.

"Mahal ko siya Ate, mahal ko siya"

"Alam ko Maya..."

Patuloy ko siyang pinapatahan. Ayokong isiping mapapahamak si Jacob dahil sa akin. Ayokong isiping baka ikamatay niya ang ginagawa sa kanya ng nakamaskarang nilalang na ito.

Halos magsuka na siya ng dugo dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin siya tinitigilan ng kalaban, patuloy lang niyang tinatadyakan at pinapahirapan si Jacob. Nagpapasalamat nalang ako dahil hangga tadyak lang at hindi niya ginagamitan ng talim ng espada, mukhang gusto lang talaga niyang mamatay sa hirap si Jacob.

Nanlambot nalang ako bigla nang tumigil na sa pag-galaw si Jacob, mukhang hindi na siya kumikilos, sana'y nawalan lang siya ng malay, sana'y hindi pa ito ang oras niya.

"Patay na siya Ate! Patay na siya! Jaakke! Jaakke!"
nagsimula ng maalarma at magpumiglas si Maya. Siya naman ngayon itong pinipigilan ko, gusto niyang tulungan at puntahan si Jacob. Nagulat nalang ako nang bigla nalang niyang bunutin ang itak niya sa sisidlan nito.

"Maya! Maya! 'wag!"
pag-awat ko sa kanya.

hawak ko ang magkabilang braso niya at pilit ko siyang hinihila. Patuloy siyang nagpupumiglas at naglalapasag.

"Pero Ate! Si Jacob! Paano na?! Jaakke!"

Naiintindihan ko si Maya, pero siguradong mapapahamak lang siya kapag binitawan at hinayaan ko siya.
Ngunit si Jacob ay wala na talagang pinapakitang reaksyon, ni isang daliri ay hindi na gumagalaw. Ngunit hindi ko parin matukoy kung talagang patay na siya o hinimatay lang.

Napakasakit ng iyak ko katulad ni Maya, mga luhang para sa isang kaibigang inialay ang sariling buhay para lamang sa akin.

Napansin ko si Tony na papalapit sa kanila, mukhang medyo nakabawi na siya ng lakas, ngunit hawak pa rin niya ang braso niyang may sugat.

"Diyan lang kayo! Kapag nagkaroon kayo ng pagkakataong makalampas sa amin, mauna na kayo, tumakbo hanggang makarating sa dulo."
sigaw ni Tony sa amin ni Maya.

"Pero--"

"Wag ka ng pumero Maita! 'wag mo namang sayangin ang pagsasakripisyo namin ni Jacob! Umaasa kaming matatapos mo ang misyon na 'to. Kaya kapag nakasipat kayo ng pagkakataon, tumakbo na kayo at hanapin ang pintuan patungo sa huling witchcrafter."
mukhang seryoso na si Tony.

Hindi ako makapag-isip ng maayos, pero mukhang si Maya ay naiintindihan ang sinabi ni Tony. Inayos niya ang kanyang sarili at pilit na nilalakasan ang loob niya. Huminga siya ng malalim at alam kong pinipilit niyang alasin sa isipan niya ang kanyang emosyon para ka Jacob. Sa tingin ko, ngayo'y naka-focus na siya sa sitwasyon.

"Maya, ikaw na'ng bahala sakanya"
dagdag pa ni Tony.

Dinampot ni Tony ang itak niya nang madaanan niya ito, marahan ang pagkilos niya ngunit nagawa parin siyang maramdaman ng kalaban.

Parang ako pa ang natakot nang unti-unting lumingon ang nakamaskarang nilalang kay Tony.
Alam kong mahina pa rin si Tony, pero heto pa rin siya at handang iligtas ang kapatid niyang si Jacob, si Jacob na ngayo'y nakadapa pa rin sa gitna ng kalsada at walang ulirat.

Hinarap ng nilalang na ito ang paparating na si Tony, at bago pa man maitaas ni Tony ang itak niya para tagain ang kalaban ay tinadyakan na siya ng nakamaskang nilalang.

Nawalan ng balanse si Tony at tumilapon lang ito sa gilid ng daan, humandusay sa tabi ng mga kandilang nakatirik, at mukhang mahina na siya at nawalan na talaga ng lakas at hindi na rin makatayo tulad ni Jacob.
At tulad din ng ginawa ng nakamaskarang nilalang kay Jacob ay pinagtatadyak din niya si Tony, mapupuwersang sipa ang pinakawalan nito sa kawawang si Tony. Wala siyang awa kung magpahirap, parang ang sarap ipakain sa pating. Pasalamat ka't wala silang mga kapangyarihan ngayon.

(Kapitulo kuarienta y otso)

Mukhang kami nalang talagang dalawa ngayon ni Maya at hindi pa rin kami makadaan dahil sa nakaharang at nakaabang parin ang nilalang sa aming daraanan.

"Alam ko na Ate, dumaan nalang tayo sa mga puntod para malampasan na natin ang nilalang na ito."
pabulong na sabi sa akin ni Maya, mukhang may naisip na siyang plano.

Sa tingin ko, kailangan na talaga naming iwanan sina Tony at Jacob ngayon para ipagpatuloy na ang aming misyon, hindi narin sila makalaban at ito nalang ang paraan para makalampas kami sa kalaban, ang magtago sa likod ng mga puntod para maiwasan siya.

Ngayon, kaming dalawa nalang ni Maya.
Habang abala ang nakamaskarang nilalang sa walang-awang pananadyak niya ngayon kay Tony ay marahan naming nilakad payuko ni Maya ang mga puntod. Ingat na ingat na mapansin ng kalaban.

Nagtago kami sa unang puntod na nadatnan namin, nasa unahan ko si Maya, siya ang sumisilip sa kalaban at sumisenyas sa akin na pwede na kaming lumipat sa ikalawang puntod.

Halos madapa na ako sa sobrang nerbyos na nadarama ko habang iniisip ang maaaring mangyari sa amin kapag nahuli kami ng kalaban.

Pagkalipat namin sa ikalawang puntod ay muling sumilip si Maya, pareho kaming nakaupo at nagtatago sa likod ng puntod na ito na gawa sa bato.
Napansin ko siya na parang punong-puno talaga ng takot at hindi na niya magawang magsalita, parang ibang-iba siya ngayon at bakas na bakas ang pag-aalala sa mukha niya.

"Bakit Maya?!"
bulong ko sa kanya.

"Shhh..."
paghuni niya sa akin at sinenyasan ako na tumingin sa kinaroroonan ng nakamaskarang nilalang.

Marahan akong sumilip mula sa gilid ng puntod, may halong pag-aalangan pa, nangangamba na baka bigla akong makita ng tinataguan naming halimaw.

Una kong nakita ang katawan nina Jacob at Tony na parehong nakadapa at nakahandusay pa rin, at ngayo'y mukhang pareho na rin silang walang malay.

Sa loob-loob ko ay umiiyak ako, kailan kaya matatapos ang kalbaryong ito?
Ayokong isipin na patay na rin si Tony, ayokong isiping wala na sila pareho.

Sa mga oras na 'to, pinipilit kong magpakatatag, lalo na't kami na ngayon ni Maya ang nasa matinding peligro.

Sumunod kong nakita ang kalaban, tinigilan na niya ang pag-atake sa dalawa ngunit ngayon nama'y nakatitig sa direksyon kung saan kami nakatayo kanina ni Maya.

Parang nahalata niya na nawawala kami, at ngayo'y siguradong hinahanap niya kami. Palingon-lingon siya sa paligid, at nang papalingon na siya sa kinaroroonan namin ni Maya ngayon ay mabilis na akong nagtagong muli.

Labis-labis ang kabang nararamdaman ko, kumakabog ng husto ang dibdib ko, at alam kong gano'n din si Maya.

Napakatahimik ng kapaligiran, at ngayo'y tanging ang mga hakbang lang ng nilalang ang aming naririnig, at habang tumatagal ay lumalakas ang tinig ng mga yapak niya, tanda na papalapit ito sa amin.

Hindi ako mapanatag kaya muli akong sumilip. Hindi nga ako nagkamali, papalapit nga ang nakamaskarang metal na nilalang na ito sa puntod na pinagtataguan namin ni Maya, at laking gulat ko nalang nang magkatinginan kami ng lalaking ito ng mata sa mata.

"Huh! Maya, mukhang nakita na niya ako!"
bulong ko kay Maya.

Natulala siya at mukhang nag-iisip, habang ako ay parang pusang hindi maihi sa tindi ng nerbyos ko, hindi mapakali at mapanatag.

"Paano na ngayon Maya?"
naibulong ko nanaman sakanya.

"Uhmm.. Ililigaw ko nalang siya Ate, tapos dumiretso ka na, at 'wag na 'wag ka ng lilingon pa. Lalong 'wag ka ng babalik at hanapin mo na lang ang nasabing pintuan"
siryosong sabi ni Maya, at talagang napakasiryoso ng mga mata niya.

Bigla nalang siyang tumayo at nagpakita sa kalaban kasabay ng pagwagayway niya ng kanyang magkabilang kamay.

"Hoy Halimaw! Nandito ako! Ang pangit mo! Panget! Panget!"
sigaw niya sa papalapit na kalaban.

Nang makuha niya na ang atensiyon ng kalaban ay tumakbo siya pabalik kung saan kami nanggaling kanina, ngunit bigla siyang napahinto at lumingon sa akin.

"Sige na Ate. Paalam."
isang matamis na ngiti ang ipinakita niya sa akin, atsaka na dumiretso ng takbo pasalangsang sa direksyong tatahakin ko.

Natigilan ako, natameme at napatulala habang minamasdan ko siyang makalayo.
Biglang tumulo ang luha ko, nakakalungkot, masakit. Ang mga kaibigan ko ay isa-isang nawawala sa akin, sa punto pa na mahal na mahal ko na sila at hindi ko na silang kayang mawala pa sa akin.

Dito ako nagkaroon ng mas matibay na determinasyon at lakas ng loob para magpatuloy sa nasimulan namin.
Pinangako ko sa sarili ko na kahit ano'ng mangyari ay matatagpuan ko ang huling witchcrafter at magkakaroon na ng katapusan ang mithiin ni Marcus, para sa mga kaibigan ko, para kay Tony na mahal ko.

Habang nagpapahabol si Maya sa talim ng kalaban ay nagpatuloy na ako, ngunit ingat parin ang kilos ko, marahan at patago pa rin sa mga puntod, iniiwasan ko na mapansin ako ng nakamaskarang nilalang at baka mabaling pa ang atensiyon niya sa akin.

Nagawa kong magpalipat-lipat sa mga puntod ng hindi nahahalata ng kalaban, hindi na ako lumingon pa tulad ng utos ni Maya, ngunit lilipat na sana ako sa susunod na puntod nang bigla nalang akong napahinto dahil sa lakas ng sigaw na narinig ko kay Jacob.

"M-mmaaaaaayyyyyaaaaaaaaaahhhh!"
Sabi na nga ba't buhay pa siya at hinimatay lang kanina.

Nagulat ako at napalingon sa kinaroroonan ni Jacob, nakita ko siya na nakatulala at may bahid ng luha sa mukha, pagtingin ko sa direksyon kung saan siya nakatingin ay nakita ko nalang na si Maya ay-

Si Maya ay nakaluhod sa lupa, sa harap mismo ng nakamaskarang nilalang.
Mabilis siyang nahabol ng kalaban. Nanginig nalang ang buo kong katawan nang mapansin kong dumudugo ang kaliwang balikat niya, mukhang nakipaglaban pa siya at ngayo'y tinamaan at nasugatan.

"'wag po! 'wag po!"

Umiiyak siya at walang tigil na nagmamakaawa sa maskaradong halimaw.

"Mmaaaayyyyyaaaaaaaaa!"
napasigaw na rin ako sa sobrang pag-aalala na baka ano pang gawin ng kalaban.

Lumingon sa akin ang nakamaskarang nilalang.
Bigla nalang akong kinilabutan nang ako naman ang hinarap niya, sabagay ayos na rin para kahit papano'y maligtas si Maya.

Hahakbang na sana ang nilalang, lalapitan na niya sana ako ngunit bigla nalang umihip ang malakas na hangin, hindi normal na hangin kundi hangin na nagmumula sa katawan ni Jacob.

Paglingon ko kay Jacob, nakatulala parin siya kay Maya habang ang isang kamay ay nakaturo sa kinaroroonan nila Maya, parang inaabot niya si Maya.
Parang tumigil ang pag-ikot ng oras sa kanya habang nakatitig kay Maya.

Nagulat ako nang mapansin ko ang mga mata ni Jacob, nawala nanaman ang mga itim na eyeballs niya at ngayo'y purong puti lang ang natira sa mga mata niya at parang umiilaw ang mga mata niya na parang bombilya, kasabay ng paghaba ng mga kuko niya sa kamay, naging kulay puti din at napakatulis ng dulo ng bawat isa.

"Huh?!"

Nasindak pa ako sa sarili ko nang maalala ko kung kailan ko huling nakitang nangyari ito kay Jacob.

Hindi ako pwedeng magkamali, ito ay ang kapangyarihan niya bilang isang Werewolf, na lumalabas lang dahil sa matinding galit, nakakapagtaka at nagamit niya ito sa lugar na ito, mukhang matindi na talaga ang galit niya sa nakamaskarang nilalang, malamang dahil sa pananakit nito kay Maya, kay Maya na alam kong minahal na rin ni Jacob.

Mula sa kadiliman ay nagsipagsulputan ang nagliliwanag na mga mata, mababangis, matatalim at mukhang nangangalit na napakaraming mga mata.

RRROOOOOAAAAARRRR!!!

Sinasabi ko na nga ba!
Heto na at lumabas na ang mga Wolf ni Jacob, ang mga higanteng Wolf na may apat na mata.

"Lagot ka ngayon, halimaw ka!!"
nasabi ko nalang sa sarili ko.

To be continued...
Fiction-Factory
Copyright2014